SARI-SARING PAGSUSURI NG IBA'T IBANG URI

SARI-SARING PAGSUSURI NG IBA'T IBANG URI

Wednesday, February 29, 2012

Pormalismong Pananaw: Ang Huling El Bimbo ni V Villanueva

                Hinati sa tatlong berso ang kanta upang maipakita ang paraan ng pagtransisyon ng mga pangyayari at ng emosyon ng bawat bahagi ng kanta. Sa unang bahagi, tinatalakay ang kagandahan ng babae sa kanta, at pinapakita kung paano umuusbong ang mga karamdaman ng kumakanta para sa babae. Ang kagalingan sa pagsayaw at ang katangi-tanging kagandahan ng babae ang siyang nagpahulog sa loob ng kumakanta para sa babae. Ang kaibuturan ng unang bahagi ay ang kanilang pagsayaw ng El Bimbo na nagsisimbolo sa pagkalapit ng dalawang persona at ang pag-iisa ng kanilang emosyon na sinisimbulo ng sabay nilang galaw. Sa ikalawang berso, ramdam na ramdam ng kumakanta ang kaniyang pagkabighani sa kaniyang iniibig dala ng tuloy-tuloy nilang pagkikita, pagsasama, at pagsasayaw. Masasabing nahulog na ang loob ng kumakanta para sa kaniyang sinasayaw na babae nang lubusan sa bahaging ito dahil nararamdaman na niya kung paano napapasaya ang buong mundo ng kumakanta sa tuwing nagsasayaw sila. Nakikita narin niya ang kagandahan ng babaeng kaniyang sinasayaw hangang sa pagpugay ng kaniyang mata at sa kinis ng kaniyang braso. Isinasaad ng mga ito na paglalaim ng palalim ang emosyon ng kumakanta para sa babaeng kaniyang sinasayaw. Sa huling bahagi ng ikalawang berso, mayroon siyang pagdududa kung bakit hindi niya masabi sa babae ang kaniyang mga nararamdaman.. Uulit ang bahaging koro upang ipakita na ganun parin ang pagmamahal at kasiyahan na nararanasan ng kumakanta tuwing sila’y nagsasayaw ng El Bimbo. Sa ikatlong berso, magiiba ng drastiko ang tono kanta. Sa paglalahad ng mga pangyayari pagkalipas ng kanilang kabataan, pinakita kung paano sila nagkalayo at maaaring nagkalayo narin ang loob at damdamin para sa isa’t isa. Subalit sa pinakahuling bahagi, pinakita na kahit sa ganung sitwasyon nararamdaman parin ng kumakanta ang lahat ng pagmamahal niya para sa babae kahit hindi na niya muli itong masasayaw. Sa huling pag-ulit ng koro, muling ibinalik ang mga imahe ng dati nilang pagsasayaw at ang emosyon na dumarating sa kumakanta habang sila’y nagsasayaw. Patunay ito na sa pag-alala ng kumakanta sa kanilang pagsayaw, bumabalik at nakatanim parin ang pagmamahal niyang hindi niya naibahagi sa babae niyang kasayaw ng El Bimbo.

No comments:

Post a Comment