SARI-SARING PAGSUSURI NG IBA'T IBANG URI

SARI-SARING PAGSUSURI NG IBA'T IBANG URI

Wednesday, February 29, 2012

Feminismong Pananaw: “Superman ang Misis ko” ni CD Fernandez


             Ang akdang “Superman ang misis ko” ni Abdon M. Balde Jr. ay ukol sa pagkakaroon ng mga di pangkaraniwang abilidad ng isang babae o partikular ng isang misis sa loob ng isang tahanan. Sa kwentong ito, ipinarating na ang mga bagay-bagay na kadalasang ginagampanan ng lalaki o ng mister ay iniatas sa mga tungkulin ni misis. Sa madaling salita, gumaganap na parang mister ang misis sa dahilang ang babae ang gumagawa ng mga bagay na pangkaraniwang inaatupag ng mga lalaki sa isang tahanan.
                Sa panimula ng kwento, inilahad ang panghuhusga ni mister sa kanyang misis na para bang tibo dahil sa mga gawaing inaatupag nito tulad ng paglalaba at pagsisibak ng panggatong. Mapapansin na sa paglalarawang ito, ipinapakita ang isang uri ng pag-iistiryotipo sa mga kakabaihang matitigas ang daliri nang dahil sa paggawa ng mga gawaing pambarako.
              Sa pag-usad ng kwento unti-unting ipinahayag ang pagkalalaki ni misis sa loob ng tahanan. Nang ikasal ang lalaki at babae, ang babae ang bumuhat sa kanyang mister sa pagpapanik sa apartment. Si misis din ang gumagawa ng mga tungkuling mabibigat habang si mister ang umaatupag sa paghahain ng makakain ng mag-asawa.
                 Sa pagtatapos ng akda, mas binigyang diin ang representasyon ni misis sa tahanan. Dito ipinarating na noong nagkaroon ng aksidente sa apartment ay si misis pa ang sumagip sa kawawa niyang mister na sa mga oras na iyon ay labis na nanghihina. Ano na lamang ang nangyari kay mister kung hindi nagpaka-superman si misis sa kanyang asawa?
                Sa akdang ito, ipinapakita na maaaring dependehan at asahan ang kakayahan ng mga kababaihan. Hindi porke’t naturingang babae ay mahina na, walang kayang gawin, at hindi kayang umasenso sa buhay. Kaya naman sa kwentong ito ay nabuwag ang estilo ng tatsulok na kung saan ang kalalakihan ang nasa ibabaw at parating nakabababa ang mga kababaihan. Ipinapahayag na ang pangkaraniwang kakayahan ng mga kalalakihan ay kaya ring panindigan ng mga kababaihan. Ang anumang kayang gawin ng lalaki ay kaya ring gampanan ng babae. Sa paniniwalang ito, isinusulong ng akdang ito ang layuning feminismo.

No comments:

Post a Comment